Miyerkules, Mayo 18, 2011

Salamin ng Buhay

“ Ano ang nakikita mo sa salamin?”
Dahan-dahan akong lumapit. Tiningnan ko… Tumambad sa aking harapan ang mukhang nakabalot ng benda. Hinimas- himas ko ito ng maramdaman kong lumamlam ang aking mga mata. Unti-unting tumulo ang mga luhang sinusubukan kong pigilan. Kasabay nito ay pagbabalik tanaw ng isang alaala.
Nakilala ko si Abby noong unang taon ko sa kolehiyo. Pareho kaming kumukuha ng Mass Communication kaya madali kaming nagkapalagayan ng loob. Nagkataon rin kasing pareho kami ng mga gusto.
Simple lang si Abby. Pareho kaming mataas, morena at may mahabang buhok. Sa antas ng pamumuhay lang siguro kami nagkaiba at siguro sa pamilya na rin. Dalawa lamang kami ng aking ina ang namumuhay. Nabibilang kami sa sinasabing maykaya samantalang si Abby ay nakapag-aral lamang dahil sa tulong ng kanyang tiyahin. Ngunit hindi iyon naging dahilan upang masira ang aming pagkakaibigan.
Lumipas ang ilang taon, malapit na kaming magtapos. Dahil nasa ikaapat na taon na kami, mayroon kaming “OJT (on job training).” Palibhasa nasanay kaming palaging magkasama, pinilit namin ang aming guro na sa iisang kompanya lang kami magtatrabaho at natupad naman iyon.
Sobrang saya namin ng magsimula na ang aming OJT. Madali kaming naging malapit sa aming mga katrabaho. Akala pa nga nila magkakambal kami ni Abby dahil magkahawig daw. Pinagtawanan lang namin sila at hinayaan sa kanilang paniniwala. Sa mga araw na patuloy ang aming “OJT” nakilala namin si Mark. Isa siyang layout artist sa kompanyang aming pinapasukan. Una silang naging magkaibigan ni Abby. Nang ipakilala niya ako kay Mark, naging magaan agad ang loob ko dito. Lumipas pa ang mga araw nanligaw siya sa akin. Agad ko itong sinabi kay Abby. Sinabi ko rin sa kanya na bago kami magtapos ay sasagutin ko si Mark.
Araw ng aming pagtatapos, pinakilala ko si Mark sa aking ina. Maya-maya pa nakita ko si Abby kasama ang kanyang ina. Lumapit kami sa kanila ngunit nag-atubili si ina. Sinabi niyang umuwi na lang daw kami. Naunang pumunta ang aking ina sa sasakyan samantalang nilapitan ko si Abby at niyaya silang mag-ina na pumunta sa aming bahay dahil may hinandang konting salu-salo  para sa aking pagtatapos. Nakisabay si Abby sa amin at habang nasa daan, doon ko sinabi sa kanya na kami na ni Mark. Ngumiti lamang siya at binati kami ngunit nakapagtataka na parang hindi ko naramdaman na siya’y masaya.
Nang dumating kami sa bahay, tinawag kaming dalawa ni Abby ng aking ina. May pinakita siyang larawan kay Abby at tinanong kong ito ang kanyang ama. Ganun na lamang ang pagkabigla ko nang sabihin niyang “oo”. Hindi ako makapaniwala dahil iyon din ang aking ama. Pareho kami ng ama ni Abby. Dahil sa kabiglaan, di ko namalayang nakalabas na si Abby. Maya-maya pa, humahangos na pumasok si Mark at sinabing nabundol si Abby sa harapan mismo nang aming bahay.
“Nakakatawa no?” tinig iyon ni Abby na nagpabalik sa aking alaala. Binisita ko siya sa hospital dalawang linggo matapos ang aksidenteng iyon. Tiningnan ko siyang muli sa salamin. Umiiyak rin siya.
“Bakit ganun?”, tanong niya. “Lahat na lang nasa sa iyo. Ang kagandahan, ang karangyaan, si Mark pati pa ba ang ama ko? Alam mo ba kong bakit sa kabila ng kagustuhan kong magpagupit na buhok ay di ko ginawa? Dahil gusto kong maging katulad mo. Gusto kong maramdaman ang paghanga nang mga tao tulad ng ginagawa nila sa’yo. Gusto kong sabihin nila na masuwerte din ako. Pero bakit pati ama ko, ama mo rin? Kahit kailan di naging malapit sa akin si itay. Palagi niyang pinamumukha sa akin na hindi niya ako gusto. Na pinilit lamang siya ni ina na pakasalan siya at tinakot na ipapatay sa mga kamag-anak niyang mga pusakal. Palagi rin niyang sinasabi sa akin na mayroon siyang anak. Na buntis ang kanyang kasintahan ng mabuntis niya si ina dahil sa pikot. Alam mo ba? Kinamumuhian ko ang batang iyon, na ikaw pala. Ikaw ang palagi niyang inaalala. Ikaw ang palagi niyang kinukuwento at hindi ako. Kinamumuhian kita.  . Pero mas gustong manaig ng pagmamahal ko sa iyo bilang mabuting kaibigan
Nilapitan ko siya at niyakap. Hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin. Isa lang ang alam ko, mahal ko siya at napuno ang pananabik ko sa isang kapatid. Dahil alam ko, pagkatapos nito magiging masaya ulit kami. Dahil hindi lamang kami basta magkaibigan. Iisa rin ang dugong nanalaytay sa aming katawan.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento